top of page
Art Underground Manila

Hiwaga sa Kalaliman
Handog ni Maria Salvador sa Kanyang Kapwa Mandaragat
Noon, akala ko ang langit nasa pag-sasayaw at pag-awit
Lagi kong tinatanong, Ang mga ito ba ang para sa akin?
Naguguluhan, Nahihilo, at nalilito
Sapagkat hindi ko alam alin ang tunay kong gusto!
Hanggang sumagi sa aking isip
Ang isang baliktad na katotohanan
Na aking napagmasdan sa lupain ng guni-guni….
Isang Paraiso sa daigdig ng panaginip.
Sa daigdig na iyon ako'y nahumaling
Marami ang pangitain na talagang nang-aakit
Ako’y napipikit amdam ang saya ng damdamin
Kung ako ay naiidlip ayoko nang magising..
Nilibot kong masugid ang pulang karagatan,
Isang mundong sa panaginip mo lang mahahagkan
Tunay na napakaganda, animo ako ay sirena,
Umaawit na "Halika’t sundan ang aking tinig"
Ang asul na tubig sadyang nagpapahiwatig
Tunay na sakdal ganda ng mundo sa ilalim
At sa aking paglubog unti unting tumatahimik
Tanging bugso ng puso lang ang aking naririnig!
Habang sinusukat ko ang baon kong hangin
Bumibilis ang daloy ng kaba sa damdamin
Mababawi na ba ang hangin na pinagkait ng tubig?
Magwawakas na ba ang aking panaginip?
Sa ilalim ng dagat ako’y natutong mangarap
Mga pangarap na nais kong ituloy sa hinaharap
Ako'y sumisisid sa kailaliman ng dagat…
Dahil ito ang pinaka malapit sa aking mga panaginip!
Ako'y sumisisid sa kailaliman ng dagat…
Dahil ito ang pinaka malapit sa aking mga panaginip!

April 28, 2023
-
April 19, 2023

Lost in the Vast Blue

Lost in the Vast Blue
bottom of page